Naglabas ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng time-lapse video na nagpapakita ng pag-agos ng lava at pagguho ng mga materyales mula sa Bulkang Mayon na nagresulta sa collapse-fed pyroclastic density currents (PDCs) noong gabi ng Mayo 31.
Batay sa ibinahaging footage ng ahensya, ang lava effusion ay naganap sa loob lamang ng dalawang minuto, mula alas-6:55 hanggang alas-6:57 ng gabi. Makikita sa video ang patuloy na aktibidad ng bulkan habang umaagos ang lava at bumabagsak ang mga materyales mula sa bunganga nito.
Mas maaga ring iniulat ng PHIVOLCS ang isang PDC event noong hapon ng parehong araw. Ayon sa ahensya, umabot ang daloy ng mainit na volcanic materials sa tinatayang 2 kilometro sa Mi-isi Gully.
Nakapagbuga rin ang naturang PDC ng kulay-abong usok na umabot sa 1,800 metro above mean sea level bago ito kumalat patungong east-northeast na direksyon.
Sa pinakahuling monitoring ng PHIVOLCS, umabot na sa ika-146 na araw ang tuloy-tuloy na effusive eruption ng Mayon Volcano. Kabilang sa mga naitatalang volcanic hazards ang lava flows, pyroclastic density currents o “uson,” at mga rockfall events sa paligid ng bulkan.
Dahil sa nagpapatuloy na volcanic activity, nananatiling nakataas ang Alert Level 3 sa Mayon, na nagpapahiwatig ng matinding pag-aalboroto ng bulkan at patuloy na pag-akyat ng magma. Dahil dito, mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng anim na kilometrong Permanent Danger Zone upang maiwasan ang panganib na dulot ng posibleng pagputok at iba pang mapaminsalang aktibidad ng bulkan.













