Nakatakdang maglatag si Panfilo Lacson ng ulat sa Senado hinggil sa progreso ng imbestigasyon sa umano’y anomalya sa flood control projects—kahit hindi pa kumpleto ang mga lagda para sa pormal na committee report.
Sa halip na hintayin ang kulang na pirma, hihiling si Lacson na mabigyan ng oras para sa isang privilege speech sa Lunes o Martes. Layunin nitong direktang maipabatid sa publiko ang mga natuklasan ng Senate Blue Ribbon Committee matapos ang serye ng pagdinig.
Ayon sa senador, bahagi ng kanyang tungkulin bilang pinuno ng komite na ipaalam sa mamamayan ang estado ng imbestigasyon, lalo na’t nananatiling kulang ng tatlong lagda upang makumpleto ang siyam na kinakailangan para maisumite ang partial report sa plenaryo.
Hindi lamang umano buod ng mga pagdinig ang laman ng kanyang talumpati. Inaasahan ding ilalahad niya ang ilang dokumento at ebidensyang hindi pa nailalantad sa mga naunang hearing.
Dagdag pa rito, plano rin ni Lacson na ibahagi ang mga mahahalagang dokumento sa Department of Justice at Office of the Ombudsman, na kapwa nagsasagawa ng hiwalay na imbestigasyon kaugnay sa sinasabing multi-bilyong pisong katiwalian sa flood control projects.












