Pinanindigan ng legal counsel ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Salvador Paolo Panelo Jr. na lalo umanong humina ang kredibilidad ng testigong si Ramil Madriaga matapos ang pagsusumite nito ng Supplemental Affidavit at pagharap sa impeachment hearing nitong Abril 14.
Sa kanilang pananaw, imbes na makatulong sa pagpapatibay ng kaso, mas lalo raw nitong na-expose ang mga kahinaan at inconsistency ng testimonya ni Madriaga. Giit ng kampo ng Bise Presidente, nabigo ang testigo na direktang sagutin ang mga ebidensyang una nang inilatag ng depensa kaugnay ng kasong perjury.
Isa sa sentrong argumento ng depensa ay ang umano’y kawalan ng kaugnayan at bigat ng ilan sa mga ibinigay na detalye ni Madriaga—kabilang ang mga paratang tungkol sa money delivery at mga utos na ipinadala umano sa pamamagitan ng prepaid phone, na ayon sa kanila ay hindi na beripikado o sapat ang suporta.
Kinuwestyon din ng kampo ng Bise Presidente kung bakit ipagkakatiwala nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at VP Sara ang sensitibong usaping seguridad at intelligence sa isang sibilyan na wala umanong opisyal na posisyon sa military o pulisya.
Sa mas malawak na anggulo ng depensa, tinutukoy din nila ang kredibilidad ni Madriaga dahil sa mga alegasyong siya umano ang lider ng isang “kidnapping for ransom group,” na ayon sa Philippine National Police ay itinuturing na isang seryosong kriminal na sindikato.
Sa kabuuan, iginiit ng kampo ng Bise Presidente na ang isyu ay hindi lang tungkol sa mga detalye ng testimonya, kundi sa mismong pagiging maaasahan ng saksi—at nananatili silang kumpiyansa na mabubutas umano ang mga paratang sa mas malalim na pagdinig.













