Umakyat na sa 51 ang bilang ng mga nasawi sa pagkalunod ng MV Trisha Kirsten 3 matapos makarekober ang Philippine Coast Guard (PCG) ng anim na karagdagang bangkay, ayon kay Capt. Noemie Cayabyab. Sa mga ito, lima ang natagpuan sa first-deck economy area, habang isa naman ang narekober sa accommodation area ng barko. Dinala ang mga labi sa Zamboanga City Port para sa wastong pagkakakilanlan.
Patuloy pa rin ang search and dive operations ng PCG sa kabila ng malakas na agos at hindi matatag na posisyon ng barko na kasalukuyang nakahilig sa gilid. Sa ngayon, umaabot na sa 316 ang bilang ng mga nailigtas, habang hindi pa rin tiyak ang eksaktong dami ng mga nawawala.
Samantala, ang remotely operated vehicle (ROV) na ginamit sa pagmamarka ng lokasyon ng barko ay kasalukuyang isinasailalim sa pagkukumpuni.
Iniimbestigahan din ng PCG ang posibilidad na may butas ang barko na maaaring naging sanhi ng pagkalunod. Kaugnay nito, pansamantalang pinahinto ng Department of Transportation (DOTr) ang operasyon ng buong fleet ng Aleson Shipping habang isinasagawa ang masusing imbestigasyon.













