Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng PNP sa ambush na ikinasawi ni Retiradong AFP Col. Leonardo Songcaya sa boundary ng Poblacion at Kidama, Matalam, ngayong tanghali ng Pebrero 6, 2026.S
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay PLtCol Arniel Melocontones, hepe ng Matalam PNP, sinabi nito na si Col. Songcaya ang nagmamaneho ng kanyang pick-up truck at wala siyang kasama nang pagbabarilin siya ng mga hindi pa tukoy na suspek.
Kilala siya bilang Presidente ng Cotabato Provincial Federation of Senior Citizens Associations of the Philippines (FSCAP) at President ng Kidama Communal Irrigators’ Association (KCIA).
Dahil sa tindi ng tama sa iba’t ibang bahagi ng katawan, hindi na nakapagsalita o nakahingi ng saklolo si Col. Songcaya at agad na nalagutan ng buhay sa mismong crime scene.
Kaugany nito, mariing kinondena ng Matalam Mayor Oscar M. Valdevieso ang karumal-dumal na krimen.
Agad rin niyang inilaan ang ₱500,000 na pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na magtuturo sa pagkakaaresto ng mga suspek.
Ayon sa alkalde, ang hakbang na ito ay inaasahang magsisilbing mitsa upang magsalita ang mga nakasaksi at mapalabas ang mga salarin sa kanilang pinagtataguan.
Nanawagan ang lokal na pamahalaan sa publiko na huwag matakot at gamitin ang mga inilaang hotline upang makatulong sa imbestigasyon. Inaasahan na sa tulong ng pabuya at pakikipagtulungan ng komunidad, mas mabilis na mahuhulog sa rehas ng katarungan ang mga responsable sa karumal-dumal na insidente.
Sa ngayon, patuloy na inaalam ng pulisya kung ano ang motibo ng krimen at ang identity ng mga suspek.
Ang lokal na pamahalaan at mga awtoridad ay tiniyak naman na hindi titigil hangga’t hindi nabibigyan ng hustisya ang biktima.













