KORONADAL CITY – Agad na isinugod sa South Cotabato Provincial Hospital ang isang lalaki matapos matuklaw ng King Cobra dakong 12:28 kaninang tanghali ,Pebrero 5, 2026 sa Sitio Elbantong, Zone 1, Barangay Rang-ay, Banga.
Kinilala ang biktima na si Paul James Dialudin, 22-anyos at residente ng nabanggit na lugar.
Batay sa ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Banga, umakyat ng puno ng niyog ang biktima upang kumuha ng ngunit hindi nito namalayan na paakyat din ang ahas hanggang natuklaw ito.
Napatay naman ng mga kamag-anak at kapitbahay nito ang ahas.
Samantala, pagkababa ng biktima sa puno ng niyog ay nanghina ito matapos magtamo ng sugat sa kanang balikat, dahilan upang agad itong dalhin sa ospital para sa agarang gamutan at obserbasyon.
Sa kasalukuyan, patuloy itong mino-monitor ng mga medical personnel.
Kasabay nito, nagpaalala ang mga awtoridad sa publiko na magdoble-ingat, lalo na sa mga lugar na posibleng pamahayan ng mga ahas.
Ayon sa mga eksperto, mas nagiging agresibo ang mga ahas mula Enero hanggang Abril lalo na at mainit ang panahon, kaya’t mahalagang maging alerto at umiwas sa mga mapanganib na lugar.
Hinihikayat din ang mamamayan na agad makipag-ugnayan sa mga kinauukulan sakaling may mamataan o makasalubong na ahas upang maiwasan ang posibleng kapahamakan.













