-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Emosyonal ang pamilya ni Sgt. Diosito Araya mula sa Barangay Matapol, Norala, South Cotabato, nang mabalitaan nila ang malagim na pagkamatay ng kanilang kapatid na isa sa apat na sundalong nasawi sa pananambang sa Barangay Liningding, Munai, Lanao del Norte, Biyernes ng umaga, Enero 23, 2026.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Richard Araya, kapatid ni Sgt. Araya, mangiyak-ngiyak niyang inilarawan ang mabait, responsable, at matulunging pagkatao ng kanyang kapatid.

“Masakit po lalo na makita ang larawan at video ng aking kapatid na wala nang buhay nakahiga sa riverside,” ani Richard.

Dagdag pa niya, wala pa umanong isang linggo mula nang makauwi si Sgt. Araya mula sa kanyang nakaraang deployment.

Una rito, kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na sakay ang mga sundalo sa isang asul na sasakyan patungo sa isang liblib na lugar sa Munai para sa isang humanitarian at peace-building mission nang salakayin sila ng mga natitirang miyembro ng Dawlah-Islamiyah Magued group, isang lokal na grupong terorista.

Bukod kay Sgt. Araya, nasawi rin sina Sgt. Gilbert Arnoza, Sgt. Junel Calgas, at Private Sean Mark Laniton, lahat idineklarang dead on the spot matapos tamaan ng bala.

Nasugatan naman si Corporal Dela Cruz at agad na isinugod sa ospital para sa agarang lunas.

Agad namang nagpadala ng reinforcement ang 44th Infantry Battalion upang tiyakin ang seguridad ng lugar at habulin ang mga responsable.

Patuloy rin ang joint military at police operations at clearing operations upang maprotektahan ang mga kalapit na komunidad at maiwasan ang karagdagang pinsala.

Mahigpit naman na kinundena ng WESMINCOM ang pag-atake at sinabing walang puso, karumal-dumal, at malinaw na paglabag sa karapatang mabuhay at kapakanan ng mga sibilyan ang nangyari.

Ipinapaabot rin ng AFP ang taos-pusong pakikiramay sa mga pamilya ng mga nasawing sundalo at pinapahalagahan ang kanilang sakripisyo para sa kapayapaan at sa sambayanang Pilipino.