-- ADVERTISEMENT --

Nakatakdang maglabas ang Department of Justice (DOJ) ng karagdagang subpoena sa susunod na linggo laban kina Senador Jinggoy Estrada at dating Senador Bong Revilla kaugnay ng mga kasong plunder na may kaugnayan sa umano’y kickback mula sa mga flood control project.

Ayon sa DOJ, ang hakbang ay bahagi ng pagsisimula ng preliminary investigation upang matukoy kung may sapat na ebidensiya para sa pagsasampa ng kaso sa korte.

Bago ito umabot sa DOJ, dumaan na ang reklamo sa fact-finding investigation ng National Bureau of Investigation (NBI) at sumailalim sa pagsusuri ng Office of the Ombudsman.

Sinabi ng DOJ na ang inaakusahang ilegal na pagkamal ng yaman ng dalawang opisyal ay tinatayang lumampas sa ₱50 milyon. Batay sa mga dokumentong isinumite, ang mga umano’y iregularidad ay hindi lamang nangyari sa lalawigan ng Bulacan kundi pati sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.

Nilinaw ng DOJ na ang pagpapalabas ng subpoena ay alinsunod sa itinakdang proseso at naglalayong bigyan ng pagkakataon ang mga respondent na magsumite ng kanilang counter-affidavit at ebidensiya bilang bahagi ng imbestigasyon.