Nakaligtas sa tiyak na kapahamakan ang isang kagawad ng barangay at tatlong miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) matapos pagbabarilin ng humigit-kumulang 30 armadong kalalakihan sa Barangay Malinan, Kidapawan City, bandang alas-9:00 ng umaga, Biyernes, Agosto 8, 2025.
Inihayag ni Barangay Captain Gemma Daruca Pajes, nasa loob ng kanyang lote sa Purok Mahugani si Kagawad Jothan Daruca, kasama ang tatlong BPAT members, nang bigla silang pagbabarilin ng armadong grupo.
Naganap ang insidente sa lugar na tinatayang dalawang kilometro ang layo mula sa barangay proper.
Agad rumesponde ang Team Delta 1 ng Kidapawan City Police matapos makatanggap ng ulat, at nagsagawa ng imbestigasyon sa lugar ng insidente. Samantala, naglunsad na rin ng security operations ang 72nd Infantry Battalion (IB) upang mangalap ng karagdagang impormasyon at matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
Patuloy ang imbestigasyon habang pinaiigting ang seguridad sa Barangay Malinan upang maiwasan ang muling pagputok ng karahasan.