-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY — Mas pinaiigting pa ng militar ang kanilang pagbabantay at monitoring sa mga boundary areas sa Mindanao kasunod ng ambush na ikinasawi ng apat na sundalo sa Lanao del Norte, na kinasasangkutan ng Dawlah Islamiyah-Maute Group (DI-MG).

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, sinabi ni Lt. Col. Ronald Suscano, tagapagsalita ng 6th Infantry Division, na isa sa mga tinitingnang motibo sa naturang insidente ay ang pagtatangkang ipakita ng DI-MG na mayroon pa silang presensya sa lugar, bagama’t malaki na ang naitapyas sa kanilang hanay.

Ayon kay Suscano, maaaring layunin ng grupo na magpadala ng mensahe sa lokal na pamahalaan na hindi pa umano tuluyang nawawala ang kanilang pwersa.

Gayunman, iginiit niya na patuloy ang operasyon ng militar upang pigilan ang muling paglawak ng mga armadong grupo.

Bilang tugon, tiniyak ni Suscano na mahigpit ang pagbabantay ng 6th Infantry Division sa mga boundaries ng Sultan Kudarat, South Cotabato, Maguindanao, at iba pang bahagi ng BARMM upang maiwasan ang pagpasok ng mga natitirang miyembro ng DI-MG.

Dagdag pa niya, layunin ng pinaigting na seguridad na mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng mga residente sa mga nasabing lalawigan, kasabay ng patuloy na koordinasyon ng militar sa mga lokal na pamahalaan at komunidad.