-- ADVERTISEMENT --

Nasa ilalim ngayon ng preventive custody ng Police Regional Office 12 (PRO-12) ang limang pulis na nakatalaga sa Tambler Police Station (Police Station 5) sa General Santos City matapos masangkot sa reklamong pangingikil.

Batay sa ulat, isang ginang ang humingi ng tulong sa 911 Hotline ng PRO-12 matapos silang harangin ng mga pulis habang sakay ng tricycle, kasama ang kanyang anak na buntis.

Ayon sa biktima, nanggaling sila sa Maasim, Sarangani, at humingi umano ang mga pulis ng pera para sa “pangmeryenda” kapalit ng kanilang malayang pagdaan.

Sa kasamaang-palad, binawian ng buhay ang kanyang anak pagdating sa ospital. Dahil dito, sinampahan na ng kasong administratibo ang mga sangkot na pulis na pawang may ranggong Corporal.

Samantala, nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon ng PRO-12 upang alamin ang buong detalye ng insidente.

Tiniyak ni PBGen Arnold Ardiente, Regional Director ng PRO-12, na hindi palalampasin ang anumang uri ng katiwalian sa hanay ng kapulisan. Aniya, “Walang puwang ang katiwalian sa hanay ng PNP.”

Dagdag pa ni Ardiente, agad na inalis sa puwesto ang mga sangkot na pulis at tiniyak niyang ang imbestigasyon ay isinasagawa nang patas, masinsinan, at transparent. Sinabi rin niyang pananagutin ang sinumang mapatutunayang lumabag sa batas.