KORONADAL CITY — Umabot na sa higit sampu ang nasawi habang habang nasa 142 naman ang naitalang sugatan matapos yanigin ng magnitude 7.8 na lindol ang Mindanao kaninang alas-7:37 ng umaga, araw ng Lunes.
Ito ang kinumpirma ng Office of the Civil Defense (OCD) Region 12 matapos ang nangyaring malakas na pagyanig kung saan nasa intensity 8 ang lungsod ng General Santos at iba pang lugar habang intensity 7 naman ang naranasan sa lungsod ng Koronadal at iba pang lugar sa lalawigan ng South Cotabato.
Batay sa pinakahuling ulat ng mga otoridad, naitala ang siyam na biktima sa mga sumusunod na lugar: dalawa sa Sitio Felomina sa Barangay Calumpang, dalawa sa KCC, at tig-iisa sa Watergran, Silway, Savemore, San Jose, at Labangal Estate.
May dalawa din na naitala sa Tupi, South Cotabato ayon naman sa Provincial Disaster Risk Reduction ang Management Office o PDRRMO.
Sa kasalukuyan, pinaghahanap pa ng mga rescue teams ang tatlong nawawalang indibidwal. Dalawa sa mga ito ay iniulat na nawawala sa Watergran, habang ang isa ay huling nakita sa CPAVI, Felomina, Calumpang.
Dagdag pa ng opisyal, dinala na sa mga pinakamalapit na pagamutan ang 142 na sugatan para lapatan ng paunang lunas.
Ayon sa OCD Region 12, nagmula ang mga biktima sa iba’t ibang barangay kung saan naitala ang 40 sugatan sa San Isidro, 25 sa Baluan, tig-18 sa Lagao at Apopong, 15 sa Tambler, 10 sa Fatima, lima sa Calumpang, tig-apat sa Tinagacan at Labangal, at dalawa sa West.
Sa ngayon, patuloy ang clearing at damage assessment operations ng lokal na pamahalaan at ng OCD 12 sa mga apektadong estruktura, habang pinapaalalahanan ang publiko na mag-ingat sa mga posibleng maranasan pang aftershocks.













