Sampung katao ang nasawi habang mahigit 100 iba pa ang nasugatan matapos tamaan ng ballistic missile ng Russia ang isang drone exhibition malapit sa Kyiv, ayon kay Ukraine President Volodymyr Zelensky.
Dinaluhan ang naturang exhibition ng mga kinatawan ng sektor ng depensa nang maganap ang pag-atake. Dahil dito, iniimbestigahan na ng mga awtoridad sa Ukraine kung bakit itinuloy ang pampublikong aktibidad sa kabila ng umiiral na banta sa seguridad.
Bukod sa insidente sa Kyiv, lima pang katao ang nasawi sa lungsod ng Sloviansk matapos umanong bombahin ng Russian glide bombs, na nagpapakita ng patuloy na paglala ng opensiba ng Russia sa iba’t ibang bahagi ng Ukraine.
Nagbabala rin si Zelensky na nakatanggap ang kanilang pamahalaan ng impormasyon na posibleng magsagawa ang Russia ng panibagong malawakang missile strike sa loob ng susunod na 48 oras, kaya pinaigting na ang paghahanda ng mga awtoridad.
Samantala, anim naman ang iniulat na namatay at 26 ang nasugatan sa Kirov, Russia kasunod ng overnight strike na isinagawa ng Ukraine, habang nagpapatuloy ang palitan ng mga pag-atake sa pagitan ng dalawang bansa.













