Iginiit ni ACT Teachers Partylist Representative at Deputy Minority Leader Antonio Tinio na may malinaw at sapat na batayan ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng umano’y anomalya sa paggamit ng Confidential Funds (CF).
Sa pagdinig ng impeachment ngayong araw, sinabi ni Tinio na noong Hulyo 2022, humiling si Duterte ng Confidential Funds kahit wala namang nakalaang pondo para sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Ayon sa kanya, nagmula ang P125 milyon sa discretionary fund ng Pangulo at nagastos umano ito sa loob lamang ng 11 araw.
Dagdag pa ni Tinio, naglabas ang Commission on Audit ng Notice of Disallowance para sa P73 milyon, habang umabot sa kabuuang P612.5 milyon ang CF ng OVP at DepEd na kinuwestiyon mula 2022 hanggang 2023.
Binanggit din niya ang umano’y kuwestiyonableng dokumento at resibo, kabilang ang pangalang “Mary Grace Piattos.”
Ani Tinio, maaaring ma-impeach ang Bise Presidente dahil sa betrayal of public trust, gross abuse of discretionary powers, kakulangan sa transparency, at umano’y pagbalewala sa oversight powers ng Kongreso.
Binigyang-diin niya na hindi ito pulitika kundi panagutan, at ang pampublikong posisyon ay isang pampublikong tiwala na dapat panagutan.











