-- ADVERTISEMENT --

Ipinaliwanag ni South Cotabato 2nd District Congressman at Senior Deputy Speaker Ferdinand “Dinand” Hernandez na may iba’t ibang paraan ng paghahain ng impeachment complaint ngunit iginiit na kailangang mahigpit na sundin ang due process sa bawat hakbang nito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, ipinaliwanag ni Hernandez na maaaring ihain ang impeachment complaint ng isang miyembro ng Kongreso, ng isang pribadong mamamayan na may endorso ng isang kongresista, o ng isang-katlo ng mga miyembro ng Kongreso na maaaring direktang magsumite ng reklamo sa Senado.

Binanggit ng mambabatas na ang nasabing impeachment complaint ay hindi umano nakasunod sa due process, dahil hindi nabasa ng mga miyembro ng Kongreso ang nilalaman ng reklamo at hindi rin nabigyan ng pagkakataon ang Bise Presidente na tumugon sa mga alegasyon.

Ayon kay Hernandez, ito ang naging dahilan kung bakit ibinasura ng Korte Suprema ang naturang reklamo.

Binigyang-diin pa niya na anuman ang paraan ng paghahain ng impeachment complaint, mahalagang masunod ang due process bago ito maipasa at talakayin sa Senado.