-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Mas pinaigting ng mga awtoridad ang seguridad sa buong lalawigan ng South Cotabato kasabay ng pagdiriwang ng 59th Founding Anniversary at T’nalak Festival 2025.

Ayon sa Provincial Director ng South Cotabato Police Provincial Office na si PCol. Samuel Cadungon, bago pa man nagsimula ang selebrasyon, nakabuo na sila ng komprehensibong security plan upang maiwasan ang anumang banta sa seguridad at masiguro ang kaligtasan ng publiko.

Buong pwersa ng kapulisan, katuwang ang augmentation units mula sa iba’t ibang ahensya, ay naka-deploy na at nagsasagawa ng 24/7 na pagbabantay sa mga pangunahing lugar sa probinsya.

Mahigpit ring ipinagbabawal ang pagdadala ng backpack sa lahat ng venues ng mga aktibidad upang mapanatili ang kaayusan at seguridad. Dagdag pa rito, tinututukan din ng mga awtoridad ang mga pansamantalang isinarang mga kalsada upang maiwasan ang mga paglabag sa batas trapiko at mga posibleng insidente.

Ayon kay Police Captain Ralph Marvin Francis Rivera, tagapagsalita ng Koronadal City PNP, nananawagan siya sa lahat ng mga dadalo sa mga aktibidad ng T’nalak Festival na sundin ang mga alituntunin at paalala ng mga awtoridad upang maiwasan ang aberya sa gitna ng kasiyahan.


Samantala, tampok din sa pagdiriwang ang mga Bahay Kubo entries mula sa sampung munisipalidad at isang lungsod ng South Cotabato. Ipinagmamalaki ng bawat bahay kubo ang kani-kanilang konsepto at mga lokal na produktong agricultural.

Ayon kay John Surato, High Value Crops Coordinator ng Banga, South Cotabato, iniimbitahan niya ang publiko na bisitahin ang mga Bahay Kubo stalls upang personal na masaksihan ang iba’t ibang disenyo at upang bigyang-halaga ang mga produkto ng mga lokal na magsasaka sa lalawigan.