Nagpahayag ng pagtutol ang isang residente ng lungsod sa itinutulak na impeachment laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Manong Dodong, isang vendor sa pampublikong pamilihan, sinabi niyang hindi siya pabor sa impeachment dahil naniniwala siyang posibleng ang papalit sa pangulo ay wala ring magiging kaibahan.
Ibinahagi rin ni Manong Dodong ang kanyang pananaw na kapag mahirap ang nagnanakaw, agad itong nadadakip, ngunit kapag ang sangkot ay mga nasa gobyerno, dumaraan pa umano sa napakaraming proseso bago mapanagot ang mga ito.
Dagdag pa niya, hindi rin siya kuntento sa mga naarestong personalidad na may kaugnayan sa isyu ng flood control dahil naniniwala siyang makakalaya rin ang mga ito dahil sa kanilang kayamanan.
Sa kabila nito, sinabi ni Manong Dodong na patuloy pa rin siyang umaasa sa gobyerno at mas pinipiling hintayin na lamang ang susunod na halalan upang makapili ng mas angkop na lider na mamumuno sa Pilipinas.













