Nakakulong na ngayon ang itinuturing na rank 9 Most Wanted Person -regional level sa Sultan Kudarat na may kaso na Qualified Rape, matapos na arestuhin ng Philippine National Police–Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa pangunguna ni PCOL Hansel M. Marantan, Acting Director ng HPG.
Isinagawa ang operasyon bandang alas-4:05 ng hapon ng RHPU 12 Provincial Highway Patrol Team ng Esperanza, katuwang ang Esperanza MPS, 2nd SK Provincial Mobile Force Company, SK CIDG PFU, Alpha Coy 71B, at SKPIU. Naganap ang pag-aresto sa Purok Santol, Barangay Dukay, Esperanza, Sultan Kudarat.
Kinilala ang suspek bilang alias “Jose,” 40 anyos, residente ng Esperanza, na matagal nang umiiwas sa mga otoridad.
Siya ay pinagkalooban ng Warrant of Arrest sa ilalim ng Criminal Case No. 22-6717, na inisyu ni Hon. Presiding Judge Stamina Sampaco Macamando Usman ng RTC Branch 19, Isulan, Sultan Kudarat.
Ayon kay PCOL Marantan, ang operasyon ay patunay ng matibay na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng batas at ng pangako ng HPG na panatilihin ang kaligtasan ng publiko at panagutin ang mga kriminal.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Esperanza Municipal Police Station ang suspek para sa tamang dokumentasyon at proseso sa hukuman. Binibigyang-diin ng PNP-HPG ang kanilang patuloy na suporta sa rule of law at proteksyon sa komunidad laban sa mga nagbabalak gumawa ng krimen.