-- ADVERTISEMENT --

Itinakda ng Quezon City Regional Trial Court Branch 98 ang pagdinig at oral arguments sa grave threats case laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng kontrobersyal niyang pahayag tungkol sa umano’y pagpatay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dalawa pang personalidad.

Ayon sa korte, gaganapin ang hearing sa Agosto 20, alas-8:30 ng umaga.

Tatlong counts ng grave threats ang isinampa laban sa Bise Presidente. Nauna nang sinabi ng Department of Justice na isinampa ang kaso sa ilalim ng Article 282 ng Revised Penal Code, kaugnay ng Cybercrime Prevention Act.

Hiniling naman ng kampo ni Duterte na ibasura ang kaso, iginiit na walang hurisdiksyon ang korte rito. Ayon sa korte, sinabi rin ng Bise Presidente na maaaring magkaroon ng malawak at seryosong epekto ang kaso sa legal system ng bansa.

Nag-ugat ang kaso sa pahayag ni Duterte noong 2024, nang sabihin niyang nag-utos siya sa isang tao na patayin si Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling matuloy umano ang isang planong pagpatay laban sa kanya.

Kalaunan, nilinaw ng Bise Presidente na ang kanyang mga pahayag ay kinuha umano sa labas ng kanilang lohikal na konteksto.