-- ADVERTISEMENT --

Lumampas na sa $100 kada bariles ang presyo ng krudo sa unang pagkakataon sa loob ng mahigit tatlo at kalahating taon.

Ito ay kasunod ng epekto ng nagpapatuloy na digmaan sa Iran, na nakaapekto sa produksyon at pagpapadala ng langis sa Gitnang Silangan.

Sa pinakahuling market trading sa Chicago Mercantile Exchange, umabot na sa $107.97 ang presyo ng Brent crude, na siyang ginagamit bilang pandaigdigang pamantayan sa presyo ng langis.

Ibig sabihin, tumaas ito ng 16.5% kumpara sa presyong $92.69 na naitala noong nakaraang Biyernes.

Ayon sa mga analyst, posibleng patuloy pang magbago—tumaas man o bumaba—ang presyo ng langis habang nagpapatuloy ang trading sa merkado.

Matatandaang huling lumampas sa $100 kada bariles ang presyo ng krudo sa Estados Unidos noong Hunyo 30, 2022, nang umabot ito sa $105.76. Samantala, ang Brent crude naman ay huling pumalo sa mahigit $100 noong Hulyo 29, 2022, nang umabot sa $104 kada bariles.

Simula nang magsagawa ng pinagsanib na pag-atake ang Israel at Estados Unidos laban sa Iran, nagkaroon ng pagtaas sa presyo ng langis na nakaapekto rin sa mga financial market. Dahil dito, nag-aalala ang mga ekonomista na maaaring tumaas muli ang inflation dahil sa mas mahal na energy costs, na posibleng magdulot ng pagbawas sa paggastos ng mga konsyumer sa US—na isa sa pangunahing nagpapatakbo ng ekonomiya ng bansa.