Bumaba ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado matapos tiyakin ng Iran na ganap nang bukas ang Strait of Hormuz para sa mga commercial vessels—isang hakbang na agad nagpa-relax sa pangamba sa suplay.
Mula sa mahigit $98 kada bariles, bumagsak sa humigit-kumulang $88 ang presyo ng Brent crude, kasunod ng pahayag ni Abbas Araghchi na maaaring malayang makadaan ang mga barkong pangkalakalan habang umiiral ang ceasefire sa rehiyon.
Mahalaga ang Strait of Hormuz sa global energy trade, dahil tinatayang halos 20% ng suplay ng langis at liquefied natural gas sa mundo ay dumaraan dito—kaya’t anumang pagbabago sa status nito ay may agarang epekto sa presyo.
Kasabay ng pagbaba ng langis, umangat din ang kumpiyansa sa merkado. Tumaas ang mga pangunahing stock index sa United States, kabilang ang S&P 500, Nasdaq Composite, at Dow Jones Industrial Average ng higit 1%. Sa Europa, nakapagtala rin ng higit 2% na pag-akyat ang DAX ng Germany at CAC 40 ng France.
Matatandaang sumipa ang presyo ng langis sa mga nakaraang linggo dahil sa tensyon sa pagitan ng Iran at Israel, kung saan umabot ito sa higit $100 kada bariles at minsan ay lumagpas pa sa $119.
Gayunpaman, nananatiling maingat ang ilang shipping companies, na mas pinipiling maghintay muna bago muling dumaan sa nasabing ruta dahil sa patuloy na banta sa seguridad.
Ayon sa mga analyst, kahit bukas na ang Strait of Hormuz, inaasahang mananatiling pabago-bago ang presyo ng langis hangga’t hindi pa ganap na humuhupa ang tensyon sa rehiyon.













