-- ADVERTISEMENT --

Patuloy na naka-full alert ang Philippine National Police (PNP) ngayong Sabado de Gloria, Abril 4, bilang bahagi ng kanilang seguridad sa mga lugar ng mga biyahero at mga nagdiriwang ng mga tradisyon para sa Banal na Araw. Ayon sa PNP, patuloy ang kanilang deployment sa mga pangunahing lugar upang tiyakin ang kaligtasan ng publiko. Kasama sa mga paalala nila ang mga simpleng hakbang tulad ng tamang pagpaplano ng biyahe, pagsunod sa mga batas-trapiko, at pagbabantay sa mga bata sa mga lugar malapit sa tubig upang maiwasan ang anumang aksidente.

Sa kabuuan, iniulat ng PNP na naging mapayapa ang pag-obserba ng Biyernes Santo, kung saan naging maayos ang mga misa at prusisyon ng mga Katoliko. Ang mga seremonya at aktibidad ay isinagawa ng walang aberya, na nagpapakita ng kooperasyon ng mga mamamayan sa pagpapanatili ng kaayusan.

Habang inaasahan ang pagdagsa ng mga tao sa mga tourist destinations at resorts sa Easter Sunday, nagbigay naman ng paalala si PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa publiko na magplano ng maaga, mag-ingat, at sundin ang mga simpleng paalala mula sa PNP upang masiguro ang isang ligtas at masayang holiday kasama ang pamilya at mga kaibigan.

Pinayuhan din ni Nartatez ang mga mamamayan na huwag mag-atubiling tumawag sa Unified 911 o magtungo sa pinakamalapit na presinto sakaling kailanganin nila ng tulong sa mga emergency situations.