Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sapat ang suplay ng langis sa bansa sa loob ng humigit-kumulang 45 araw, sa kabila ng mga pangamba tungkol sa pandaigdigang suplay.
Ayon sa Pangulo, walang dapat ikabahala ang publiko at hindi kailangan mag-panic.
Inatasan niya ang Department of Energy na suriin ang kasalukuyang imbentaryo ng diesel, gasolina, kerosene, at jet fuel, at tiyaking patuloy ang paghahanap ng karagdagang supplier.
Binigyang-diin ng Pangulo na hindi pa tiyak kung gaano katagal maaapektuhan ang suplay mula sa Middle East, kaya patuloy ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaan sa mga supplier at partner countries.
Tiniyak din niya na igagalang ang umiiral na kontrata sa pag-import ng langis upang masiguro ang tuloy-tuloy na pagdating ng suplay sa bansa. Aminado si Pangulo na noong una, nahirapan ang mga supplier na magbigay ng detalye dahil sa kawalang-katiyakan sa sitwasyon, kabilang ang presyo.
Gayunpaman, unti-unti nang maayos ang daloy ng suplay dahil sa tuloy-tuloy na koordinasyon at paghahanap ng alternatibong sources na hindi apektado ng labanan sa Middle East.
Dagdag pa ni Pangulo, bagamat hindi pa ganap na tiyak ang pangmatagalang suplay, inaasahan niyang magpapatuloy ang pagdating ng langis sa bansa lampas sa 45 araw dahil sa mga bagong supplier at pinaplantsang kasunduan.













