Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga Pilipino na higit pang patatagin ang pagkakaisa at pananampalataya ngayong ginugunita ang Semana Santa. Sa kanyang mensahe, hinikayat niya ang publiko na maglaan ng oras para sa pahinga, pagninilay, at muling pagpapatibay ng malasakit at paglilingkod sa kapwa.
Binigyang-diin din ng Pangulo ang sakripisyo ni Hesukristo, na aniya’y nagsisilbing paalala na ang tunay na kadakilaan ay nasusukat sa sakripisyo at hindi sa kapangyarihan. Ayon sa kanya, sa bawat gawa ng habag, pagtulong sa nangangailangan, at pagsasakripisyo para sa kapakanan ng iba, naipagpapatuloy ang diwa ng Kanyang mensahe.
Hinimok din ni Pangulong Marcos ang bawat Pilipino na manatiling matatag sa pananampalataya, magtulungan sa gitna ng mga pagsubok, at magkaisa tungo sa mas maunlad at mas makataong “Bagong Pilipinas.”
Sa huli, nagpaabot siya ng pagbati ng isang makabuluhan at mapagpalang Semana Santa para sa lahat. “Nais ko ang isang makahulugan at pinagpalang Semana Santa para sa bawat isa,” ani ng Pangulo.













