-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Nanawagan si Congressman Ferdinand Hernandez ng 2nd District ng South Cotabato para sa patas na pamamahagi ng pondo sa mga flood control projects sa buong bansa, lalo na sa mga lalawigan, kasunod ng mga isyung lumutang ukol sa kapalpakan at umano’y katiwalian sa ilang proyektong imprastraktura.

Sa pulong na dinaluhan ng mga kinatawan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pangunguna ni Sec. Manuel Bonoan, binigyang-diin ni Cong. Hernandez ang kahalagahan ng pagrepaso sa kasalukuyang sistema ng paglalaan ng pondo sa gitna ng lumalalang problema sa baha sa iba’t ibang panig ng bansa.

“Hindi dapat nakatali sa iisang rehiyon, lalo na sa Metro Manila, ang malaking bahagi ng budget. Marami ring lugar sa mga lalawigan ang labis na apektado ng pagbaha ngunit kulang na kulang ang suporta,” ani Hernandez.

Dagdag pa niya, dapat ding imbestigahan ang kahusayan at integridad ng mga flood control projects bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang SONA, kung saan kinwestyon ang allocation at implementasyon ng mga proyektong ito.

Giit ng kongresista, ang maagang paghahanda at tamang paggamit ng pondo ay hindi lamang makakaiwas sa matinding pinsala, kundi makapagliligtas rin ng buhay at kabuhayan ng mga mamamayan.