-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY — Nananawagan ng hustisya ang pamilya ni Corporal Junie C. Mangalay Jr., isang sundalo mula sa Tupi, South Cotabato na isa sa mga nasawi sa nangyaring engkwentro sa pagitan ng mga sundalo at mga miyembro ng Dawlah Islamiyah–Hassan Group (DI-HG) sa Sitio Bagurot, Barangay Tuayan Mother, Datu Hoffer, Maguindanao del Sur, nitong Enero 27, 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Jerlyn Mangalay, kapatid ni Corporal Mangalay, emosyonal nitong inihayag ang kalungkutan sa pagkasawi ng kaniyang kapatid.

Sinariwa din nito ang kagandaang-loob at katapangan ng kapatid dahil kahit sa kamatayan, nagawa pa rin nitong tulungan ang mga kasamahan nito.

Matatandaang kinumpirma ng 6th Infantry (Kampilan) Division at ng Joint Task Force Central na nasawi si Corporal Mangalay, kasama ang isa pang nasawi na kinilalang si Cpl. Ryan Jun P. Bagual, residente ng President Quirino, Sultan Kudarat, habang ang isang sundalo naman ay sugatan at tubong Libungan, North Cotabato.

Sa panayam din ng Bombo Radyo Koronadal kay Lt.Col. Ronald Suscano, tagappagsalita ng 6ID, Philippine Army, naganap ang sagupaan matapos magsagawa ng decisibong operasyon militar ang 90IB sa lugar, kasunod ng impormasyon tungkol sa mga teroristang planong magsagawa ng karahasan.

Napahiwalay si Cpl. Mangalay sa kanyang yunit nang manguna sa pag-assault, na naging sanhi ng kanyang pagkasawi at pagkasugat ng isa pang sundalo.

Agad namang isinugod sa pinakamalapit na bahay-pagamutan ang sugatang sundalo, at sa ngayon ay nasa maayos na kalagayan. Sa clearing operation, nakarekober ang mga tropa ng ilang war materials mula sa lugar.

Patuloy ang hot pursuit operation ng militar laban sa natitirang miyembro ng Dawlah Islamiyah–Hassan Group, kasabay ng pagdagdag ng pwersa upang ganap na malipol ang natitirang kasapi at mapanatili ang pangmatagalang kapayapaan at seguridad sa rehiyon.

Samantala, nananawagan naman si Jerlyn Mangalay, kapatid ni Corporal Mangalay kay Pangulong Marcos Jr. na dapat maging bukas ang mga ito sa mga nangyayaring engkwentro sa mga komunidad at matutukan ang peace and order sa lahat ng rehiyon.