Mariing kinondena ng pamilya ni Miyuki Kim at ng pamunuan ng Mindanao State University – General Santos ang brutal na pagpaslang sa dalawampu’t isang taong gulang na graduating student nitong December 8, isang krimen na yumanig sa buong komunidad ng lungsod.
Ayon sa opisyal na pahayag ng paaralan, labis ang kanilang pagkadismaya at galit sa naganap na karahasan, lalo na’t nangyari ito mismo sa tahanan ng biktima sa Barangay Apopong, General Santos City, isang lugar na dapat sana’y ligtas at mapayapa.
Tinawag ng pamilya at ng unibersidad na “inhumane” at “walang kapatawaran” ang krimen, at mariing nanawagan ng hustisya para kay Miyuki, na isang senior student ng BS Fisheries sa College of Fisheries and Aquatic Sciences.
Binigyang-diin sa pahayag na ang ganitong uri ng karahasan ay patunay umano ng umiiral na takot na nararanasan ng komunidad, ngunit iginiit nila na hindi dapat manaig ang takot kundi ang tapang at pagkakaisa.
Nanawagan ang pamunuan ng MSU-Gensan, kasama ang pamilya ng biktima, sa Local Government Unit ng General Santos City, sa Philippine National Police, at sa iba pang kinauukulang ahensya na panagutin ang mga salarin sa lalong madaling panahon.
Sa gitna ng trahedya, tiniyak ng unibersidad na mananatili silang matatag at magkaisa upang isulong ang katarungan at ipaglaban ang kapayapaan sa komunidad.
Ang pamilya ng biktima ay humihiling ng privacy habang sila ay nagluluksa, ngunit umaasa sa agarang pagkilos ng mga awtoridad upang mabigyang-linaw at hustisya ang sinapit ni Miyuki.
“Sa gitna ng lungkot at panaghoy, iniimbitahan ng MSU community at mga ka-Fishkolar ang lahat sa isang candle-lighting ceremony sa darating na December 10, 2025, sa CFAS Court mula 5 PM. Layunin ng pagtitipon na ipagdasal ang kaluluwa ni Miyuki Porcari Kim at magbigay ng lakas sa bawat isa sa gitna ng matinding pangungulila. Lahat ay malugod na inaanyayahan; magsuot po ng itim bilang pag-alala sa kanyang buhay at alaala, at maaari ring magdala ng bulaklak bilang tanda ng pagmamahal, respeto, at pagkakaisa.”













