-- ADVERTISEMENT --

Ipinamalas ng Philippine Air Force (PAF) ang kakayahan nitong makipagsanib-puwersa sa mga international partners matapos manguna ang isang Filipino pilot sa isang malaking air mission sa Exercise Pitch Black 2026 sa Darwin, Australia.

Ayon kay Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr., kahanga-hanga ang naging pagganap ng mga Pilipinong kalahok sa biennial multinational air combat exercise, na nangangailangan ng mataas na antas ng koordinasyon, bilis at precision.

Isa sa mga itinampok ng kalihim ang Filipino pilot na nagsilbing Strike Package commander at namuno sa humigit-kumulang 20 aircraft na nagmula sa limang bansa.

Kasama rin ang PAF sa isang large-scale mission na kinasangkutan ng halos 60 sasakyang panghimpapawid, na nagbigay ng pagkakataon sa mga Pilipinong piloto at ground personnel na magsanay sa aktuwal na operasyon kasama ang international forces.

Binigyang-diin ni Teodoro na mahalaga ang mahusay na ugnayan ng mga personnel sa himpapawid at ground operations upang maisagawa nang maayos ang mga kumplikadong misyon.

Para sa kalihim, mahalaga ang ganitong uri ng pagsasanay sa pagpapalakas ng interoperability ng Pilipinas at mga kaalyado, lalo na sa harap ng pangangailangang mapanatili ang seguridad at pagsunod sa international law.

Dinaluhan ni Teodoro ang closing ceremony ng Exercise Pitch Black noong Agosto 7. Kabuuang 21 bansa ang lumahok sa naturang multinational exercise.