KORONADAL CITY – Nilinaw ng pamunuan ng Koronadal National Comprehensive High School (KNCHS) ang umano’y pagtatapon ng bato ng ilang estudyante sa mga partisipante ng nakaraang Christmas festival.
Ito ang inihayag ni Ma. Felita D. Yparraguirre, Principal IV ng Koronadal National Comprehensive High School (KNCHS), sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Yparraguirre, hindi tinatanggap ng paaralan ang anumang marahas at hindi tamang gawi ng mga estudyante na maaaring magdulot ng aksidente sa kanilang kapwa.
Sa katunayan, nagsagawa na ng interbensiyon at aksyon ang paaralan sa pamamagitan ng pakikipanayam sa mga guro at inspeksyon sa lugar ng insidente.
Dagdag pa nito, gagawin ng paaralan ang lahat ng proseso upang mapanagot ang mga sangkot sa insidente ng pagpapatapon ng bato sa mga bata.
Pinayuhan din ng paaralan ang mga estudyante sa pamamagitan ng orientation at psychological intervention, at patuloy na imo-monitor ang pamilya ng mga bata na sangkot upang maiwasan ang katulad na pangyayari.
Una rito ayon sa reklamo ng isang magulang ng batang tinamaan:
“First time ito na nangyari sa dami na naming nasali sa parade. Maaga pa lang nagising ang mga bata namin, 3:30 ng umaga, para sa parade na ito. Tapos mabalitaan ko na lang na isa sa mga bata ko ay tinamaan ng bato.”
“Sa ganitong klase ng insidente — ang magtapon ng bato habang nakatago sa school campus — hindi na ito simpleng laro o biruan ng bata. Sadyang nilayong makasakit. Ilan sa mga Grade 5 students ay tinamaan ng bato, at ang isa ay tumama mismo sa ulo.”
“Panawagan namin sa School Admin ng KNCHS, lalo na sa assigned teacher o adviser ng mga Grade 9 students na sangkot: mag-step up kayo at imbestigahan kung sino ang responsable sa insidente.”
“Ito na ang huli! Hindi na dapat mangyari pa ang ganitong insidente dahil sa susunod, wala nang magjo-join sa parade. Dapat kayong maging accountable sa kilos at asal ng inyong mga estudyante. Dapat may managot upang hindi tularan ng ibang bata ang ginawa ng KNCHS students.”












