Patuloy ang isinasagawang damage assessment ng Office of the Civil Defense (OCD) Region XII kasunod ng pagyanig na tumama sa ilang bahagi ng Mindanao ngayong Miyerkules ng umaga, bandang 5:45, Abril 16, 2025.
Ayon sa ulat mula sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naitala ang lindol na may lakas na 5.8 magnitude kung saan ang epicenter ay matatagpuan sa bahagi ng Maitum, Sarangani Province.
Sa lungsod ng Koronadal, naitala ang Intensity III na instrumental intensity. Samantala, iba pang mga lugar ang nakaranas rin ng pagyanig sa iba’t ibang antas:
Intensity IV – Kiamba (Sarangani); T’boli, Banga, Surallah, Tupi (South Cotabato); Kalamansig (Sultan Kudarat)
Intensity III – Maitum, Glan, Alabel (Sarangani); General Santos City, Norala, Koronadal City, Lake Sebu, Sto. Niño (South Cotabato); Columbio, Isulan, Esperanza (Sultan Kudarat) –
Intensity II – Maasim (Sarangani); Bagumbayan, President Quirino (Sultan Kudarat) –
Intensity I – Kalilangan (Bukidnon); Kidapawan City, M’lang (Cotabato); Magsaysay, Davao City, Matanao (Davao del Sur); Kapatagan (Lanao del Norte)
Sa kabila ng pagyanig,wala namang naiulat na seryosong pinsala sa mga gusali, bahay, at iba pang estruktura. Wala ring napaulat na nasugatan o nasawi.
Nagpapatuloy naman ang monitoring ng mga kinauukulang ahensya upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa mga apektadong lugar.