Muling ipinakita ng North Korea ang pagpapalakas nito sa kakayahang pandagat matapos pormal na i-deploy ang bagong destroyer na Kang Kon sa seremonyang ginanap sa Wonsan Port, Kangwon Province nitong Linggo.
Pinangunahan ni North Korean leader Kim Jong Un ang seremonya at iginiit na ang bagong barkong pandigma ay magsisilbing bahagi ng kakayahan ng bansa na magsagawa ng matinding pagganti laban sa anumang banta sa soberanya at seguridad nito.
Ayon sa isang media outlet, sinabi ni Kim na sumasalamin ang Kang Kon sa determinasyon ng Pyongyang na protektahan ang mga interes nito sa karagatan.
Bagama’t hindi ibinunyag ng KCNA ang kumpletong detalye ng armas ng destroyer, iniulat na kahalintulad nito ang weapons systems ng Choe Hyon, isang warship na may tinatayang displacement na 5,000 tonelada.
Batay sa mga naunang ulat, maaaring magkaroon ang naturang klase ng barko ng kakayahang magdala ng iba’t ibang uri ng missile, kabilang ang mga sistemang iniuugnay sa nuclear-capable weapons.
Ang pagpasok ng Kang Kon sa serbisyo ay bahagi ng mas malawak na pagsisikap ng North Korea na gawing mas moderno at mas may kakayahang lumaban ang kanilang hukbong-dagat. Kasabay nito, patuloy ding pinalalawak ng Pyongyang ang mga sandatang may kakayahang maghatid ng nuclear warheads, na lalo pang nagpapataas sa tensyon sa rehiyon.
Sa kabila ng mga pahayag ng North Korea na nakatuon ang pagpapalakas ng militar nito sa pagtatanggol sa bansa, itinuturing ng mga karatig-bansa at mga international observers na mahalagang bantayan ang pag-unlad ng mga bagong naval at missile capabilities ng Pyongyang.













