-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Nakauwi na sa bansa ang labi ni Christine “Honey” Talamera Bauden, isang overseas Filipino worker (OFW) na tubong Norala, South Cotabato, na iniulat na namatay sa Jeddah, Saudi Arabia.

Sa kasalukuyan, nakalagak ang bangkay sa isang funeral parlor sa Norala at isinailalim na sa autopsy matapos igiit ng pamilya na hindi sila kumbinsido sa opisyal na ulat na stroke ang sanhi ng kanyang pagkamatay.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ng kanyang ina, kapatid at tiyuhin na kaduda-duda ang medical report mula sa ospital sa Jeddah. Ayon kay Elcar Bauden, tiyuhin ng biktima, labis silang nagulat nang buksan ang kabaong dahil halos hindi na makilala ang katawan ng kanilang mahal sa buhay.

Nakita umano sa labi ang mga pasa at lagos sa iba’t ibang bahagi ng katawan, pati na ang isang kahina-hinalang tahi sa ulo. Mas ikinagulat pa ng pamilya ang alegasyong wala nang bungo si Christine.

Dahil dito, mas tumitibay ang kanilang paniniwala na hindi stroke ang tunay na ikinamatay ng biktima kundi may marahas na nangyari. Emosyonal na nanawagan ang kanyang ina at kapatid ng hustisya at umaapela sa mga otoridad na busisiin ang kaso.

Sa ngayon, hinihintay pa ng pamilya ang resulta ng isinagawang autopsy sa Pilipinas bilang batayan sa kanilang susunod na hakbang laban sa mga posibleng responsable sa pagkamatay ni Christine.