Kinumpirma ng pulisya ang pagkasawi ng dalawang magkapatid na menor de edad matapos malunod sa Kabacan River sa bayan ng Kabacan, Cotabato.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Police Lieutenant James Warren Caang, tagapagsalita ng Cotabato Police Provincial Office, sinabi nitong parehong wala nang buhay nang matagpuan ang magkapatid na sina alyas Joha, 4 na taong gulang, at alyas Jackie, 6 na taong gulang.
Unang natagpuan ang katawan ng 4 anyos na batang lalaki noong Biyernes at sinundan ito ng bangkay ng kanyang nakatatandang kapatid sa bahagi ng USM River Park, sa likurang bahagi ng USM Amphitheater, Linggo ng hapon.
Batay sa ulat ng Kabacan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, naglalaro lamang sa gilid ng ilog ang magkapatid kasama ang ilang kalaro bago sila bumaba sa tubig at tangayin ng rumaragasang agos.
Nakapagpaabot na ng agarang tulong ang lokal na pamahalaan ng Kabacan sa pamilya ng mga biktima, kabilang ang pinansyal na ayuda at suporta para sa pagpapalibing ng mga bata.
Nagpaabot din ng pasasalamat ang LGU Kabacan at iba pang otoridad sa lahat ng tumulong sa retrieval operations, kabilang ang mga kawani ng Kabacan MDDRM, Makilala MDRRM, Carmen MDRRM, Cotabato PDRRM, mga barangay responders mula sa iba’t ibang barangay, PNP, BFP, USM SRR, at mga volunteer.
Kabilang dito si Jayr Sangcala na siyang nakakita at sumisid sa isa sa mga bangkay.
Samantala, isinailalim na sa psychosocial intervention ang isa sa mga batang kalaro na saksi sa insidente.
Muling paalala ng mga otoridad sa mga magulang, lalo na sa mga nakatira malapit sa ilog na tiyaking bantay-sarado ang mga bata upang maiwasan ang kaparehong trahedya.