-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring pamamaril-patay sa isang manugang ng mismong biyenan nitong senior citizen, habang sugatan naman ang misis ng biktima sa insidenteng naganap, Martes ng gabi, Disyembre 16, sa Brgy. Lamfugon, Lake Sebu, South Cotabato.

Ayon sa Lake Sebu PNP, pareho umanong lasing ang suspek at ang biktima galing sa inuman.

Naabutan umano ng suspek ang mainitang pagtatalo ng kanyang anak at ng biktima, kaya umuwi siya at kumuha ng baril.

Pagbalik ng suspek, hinarap niya ang biktima at sinita ito bago pinaputukan.

Tinamaan ang biktima sa tiyan na agad dinala sa hospital ngunit habang ginagamot ay binawian ng buhay.

Sa salaysay ng misis ng biktima, sinubukan niyang pigilan ang kanyang ama ngunit itinuloy pa rin nito kung saan siya rin ay tinamaan ng bala sa kamay at nagtamo ng sugat.

Napag-alaman na madalas na mag-away ang mag-asawa at palaging lasing ang biktima sa mga ganitong pagtatalo.

Matapos ang insidente, tumakas ang suspek at patuloy ngayon na pinaghahanap ng mga otoridad.