-- ADVERTISEMENT --

Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na maaaring humarap ang Pilipinas sa mas matitinding epekto ng panahon mula Hunyo hanggang Agosto dahil sa posibleng pagsabay ng habagat at Super El Niño.

Ayon sa state weather bureau, bagama’t posibleng mas kakaunti ang mabubuong bagyo sa mga susunod na buwan, may posibilidad naman na maging mas malalakas ang mga ito. Kapag nagsanib ang habagat at umiiral na matinding init dulot ng Super El Niño, maaaring magresulta ito sa matitinding pag-ulan, malalakas na bugso ng hangin, at malawakang pagbaha lalo na sa western section ng bansa.

Sinabi ni Ana Solmoro-Solis na nasa 92% ang posibilidad na magsabay ang mga naturang weather pattern—isang kombinasyong itinuturing na mataas ang panganib sa panahon ng tag-ulan.

Babala rin ng PAGASA, maaaring mas lumala ang epekto ng habagat kapag tumapat ito sa opisyal na pagsisimula ng rainy season. Posibleng makaranas ng sunod-sunod na malalakas na pag-ulan kahit walang direktang tumamang bagyo sa bansa.

Sa mga nakaraang linggo, ilang lugar na rin ang mabilis na binaha kahit thunderstorms lamang ang naranasan, indikasyon umano ng kahinaan sa drainage at flood mitigation systems sa ilang komunidad.

Dahil dito, hinihikayat ng mga awtoridad ang mga residenteng nakatira sa flood-prone areas na maghanda ng emergency supplies, evacuation plans, at manatiling naka-monitor sa weather advisories, lalo na habang nananatiling usapin ang kakulangan at pagkaantala ng ilang flood control projects sa bansa.