-- ADVERTISEMENT --

Mariing pinabulaanan ni France Castro ang alegasyong tumanggap umano siya ng maleta ng pera mula kay dating kongresista na si Zaldy Co.

Sa panayam niya sa Bombo Radyo, iginiit ni Castro na isa lamang itong planadong hakbang ng mga tagasuporta ng Rodrigo Duterte upang ilihis ang atensyon ng publiko mula sa mga usaping kinahaharap ng dating pangulo sa International Criminal Court, gayundin sa mga panawagang impeachment laban kay Sara Duterte.

Ayon pa kay Castro, hindi bago ang ganitong uri ng paratang laban sa kanya. Aniya, kahalintulad lamang ito ng mga naunang reklamong inihain na umano’y bahagi rin ng paninira at harassment. Noong nakaraang taon, inakusahan din niya ang pamilyang Duterte na nasa likod ng mga reklamong etika laban sa kanya, na aniya’y pagtatangkang pagtakpan ang isyu ng paggamit ng confidential at intelligence funds (CIF).

Binigyang-diin ng dating mambabatas na ang mga ganitong alegasyon ay ginagamit upang pahinain ang mga kritiko ng administrasyon, kabilang ang Makabayan bloc.

Sa kabila ng mga akusasyon, nanindigan si Castro na ipagpapatuloy niya ang pagsusulong ng transparency at pananagutan sa pamahalaan, lalo na sa paggamit ng pondo para sa mga proyektong pang-imprastruktura at mga serbisyong panlipunan.