-- ADVERTISEMENT --

Ipinaliwanag ni PHIVOLCS Director Teresito Bacolcol ang kasalukuyang nararanasang “earthquake swarm” sa Sultan Kudarat ngayong Biyernes, Enero 23.

Ayon kay Bacolcol, ang sunod-sunod na pagyanig ay dulot ng unti-unting pag-release ng stress sa Cotabato Trench, isang kilalang fault system sa rehiyon.

Nilinaw ni Bacolcol na malayo ang posibilidad na magdulot ito ng malakas na lindol, at walang banta ng tsunami sa kasalukuyan.

Mula Enero 19 hanggang 23, nakapagtala na ang PHIVOLCS ng mahigit 700 na magkakasunod na pagyanig sa Kalamansig, Sultan Kudarat, kung saan ang pinakamalakas ay umabot sa magnitude 5.3.

Kabilang sa mga apektadong lugar ang mga barangay ng Sta. Clara, Baliwasan, Pag-asa, Sta. Maria, at iba pang bayan sa paligid ng Kalamansig. Naramdaman din ang mga lindol sa Lebak, Palimbang, Esperanza, at lungsod ng Tacurong.

Patuloy ang monitoring ng PHIVOLCS sa mga susunod na pagyanig at pinaaalalahanan ang mga residente, lalo na sa baybayin, na maging alerto sa anumang posibleng panganib.