KORONADAL CITY – Nanawagan ng hustisya ang mga magulang ng sanggol na namatay matapos na isilang dahil sa paniniwalang may kapabayaan ang isang birthing home sa Banga, South Cotabato.
Umapela din sa pamunuan ng naturang pasilidad ang ama ng sanggol na si Donald Santiago para sa agarang aksyon at hustisya sa sinapit ng kanilang anak na namatay ilang oras matapos ipanganak.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, sinabi ni Donald na lubos silang naniniwala na nagkaroon ng kapabayaan sa panig ng mga staff na nakaduty noong araw ng panganganak ng kanyang asawa.
Ayon sa kanya, ilang ulit umanong hindi nabigyang-pansin ang lumalalang kondisyon ng kanyang misis at hindi ito nabigyan ng agarang atensyon, dahilan upang lalong sumama ang kalagayan ng sanggol sa oras ng panganganak.
Dagdag pa niya, mas masakit para sa kanila ang nangyari dahil wala man lamang lumapit o humingi ng paumanhin ang pamunuan o sinumang staff ng birthing home matapos ang insidente.
Ikinuwento rin ng mag-asawang Donald at Alvie Santiago na ilang beses nilang naramdaman ang pagkukulang sa pangangalaga—mula sa pagmo-monitor sa kondisyon ng ina, hanggang sa paghahanda ng mga gamit sa panganganak, at sa pagresponde nang magkaproblema na ang bata. Dahil dito, iginiit nila na dapat managot ang mga health workers na sangkot sa insidente sapagkat buhay umano ng kanilang anak ang nakataya.
Hiniling ng mag-asawa sa lokal na pamahalaan at mga ahensyang pangkalusugan, na imbestigahan ang operasyon ng birthing home upang matiyak na ligtas, sapat, at tama ang mga serbisyong ibinibigay nito sa mga pasyente.
Ayon pa kay Donald, habang hindi na maibabalik ang kanilang anak, umaasa silang sa pamamagitan ng kanilang panawagan ay maiwasan ang pagkasayang ng buhay ng iba pang bagong silang na sanggol at mapanagot ang mga dapat managot.
Samantala, matapos makapanayam ng Bombo Radyo ang mag-asawa, nakipag-usap sa kanila ang Municipal Health Office at nagpaabot ng paumanhin.
Gayunman, iginiit ng pamilya Santiago na nais pa rin nilang personal na makausap ang apat na midwife na naka-duty noong nanganak si Mrs. Santiago upang malinawan sa mga pangyayari at matukoy ang mga posibleng pagkukulang.












