KORONADAL CITTY – Sinampahan na ng kasong murder at frustrated murder ang suspek na si alyas “Bonifacio,” 46 anyos, isang magsasaka at residente ng Barangay Lamdalag, Lake Sebu, South Cotabato, matapos niyang pagtatagain ang sarili niyang mga kapatid.
Kinumpirma ni Police Lt. Col. Bernie Faldas na naihain na ang kaso laban sa suspek matapos magdesisyon ang pamilya ng mga biktima na ituloy ang pagsasampa ng kaso.
Batay sa imbestigasyon, dumaan umano ang suspek sa bahay ng kanyang mga kapatid na sina alyas “Gina,” 40 anyos, at alyas “Siga,” 62 anyos.
Sinita siya ng mga ito, dahilan para siya ay magdamdam na nauwi sa pagtatalo. Unang pinagtataga ng suspek ang kanyang nakababatang kapatid na si Gina na agad na nasawi dahil sa malalim na sugat, habang si Siga naman ay sugatan at dinala sa ospital.
Ayon pa kay Faldas, matagal nang may alitan ang suspek at mga kapatid nito kaugnay sa lupa, na pinaniniwalaang ugat ng naturang insidente.
Boluntaryo namang sumuko ang suspek sa isang dating opisyal ng barangay at kasalukuyang nasa kustodiya na ng pulisya.