-- ADVERTISEMENT --

Itinaas ng weather bureau PAGASA ang posibilidad na maging tropical cyclone ang low pressure area o LPA na namataan sa silangan ng Mindanao.

Sa inilabas na advisory ng PAGASA ngayong Sabado ng hapon, sinabi nitong nasa loob na ng Philippine Area of Responsibility ang LPA na may international designation na 08F. Alas-dos ng hapon, natukoy ang sama ng panahon sa layong 940 kilometro silangan ng Southern Mindanao.

Ayon sa PAGASA, mataas na ang tsansa na maging tropical depression ang nasabing LPA sa loob ng susunod na 24 oras.

Inaasahan ding magdadala ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang trough ng LPA sa mga rehiyon ng Caraga, Davao, Northern Mindanao, Sarangani, Eastern Samar, Leyte, Southern Leyte at Bohol.

Sakaling tuluyang maging bagyo, ito na ang ika-sampung tropical cyclone na papasok sa bansa ngayong taon, at ika-lima ngayong buwan ng Agosto.

Inihanda na rin ng PAGASA ang pangalang Jacinto para sa posibleng panibagong bagyo.