-- ADVERTISEMENT --

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pamamaril na ikinasawi ng isang lalaki habang bumibili lamang ng litson manok sa Barangay El Nonok, Banga, South Cotabato, pasado alas-7 ng gabi nitong Sabado, Oktubre 25, 2025.

Batay sa inisyal na ulat ng pulisya, lumabas umano ang biktima upang bumili ng litson manok ngunit hindi na ito nakabalik sa kanilang tahanan. Naghinala ang asawa nito nang matagalan sa labas hanggang sa mabalitaan ang insidente ng pamamaril sa lugar.

Ayon sa nakakita sa insidente, tatlong putok ng baril ang kanilang narinig bago nila makita ang isang motorsiklong nakahandusay sa gilid ng kalsada.

Nagawa pa raw tumakbo ng biktima matapos barilin, ngunit ilang metro lamang ang narating bago ito bumagsak at agad na binawian ng buhay.

Patuloy namang tinutukoy ng Banga Municipal Police Station ang pagkakakilanlan ng salarin at ang motibo sa likod ng pamamaril.