Tumanggi ang Iran sa panukalang tigil-putukan na inihain ng Estados Unidos, habang iginiit nito ang isang “tiyak at tuluyang” pagtatapos sa digmaan, ayon sa ulat ng state media.
Ibinahagi rin ng Iran ang ilang kundisyon nito, kabilang ang ganap na paghinto ng labanan sa rehiyon, pagbuo ng protocol para matiyak ang ligtas na pagdaan sa Strait of Hormuz, at ang pag-alis ng mga ipinataw na parusa o sanctions.
Samantala, inilarawan ni US President Donald Trump ang hiwalay na panukalang 45-araw na tigil-putukan bilang isang “napakahalagang hakbang.”
Gayunman, nilinaw ng White House na wala pa umanong pinal na pag-apruba si Trump sa anumang ceasefire plan.
Ayon sa naunang datos, lalong umiigting ang “mabilis at desperadong diplomasya” upang maresolba ang tensyon, bagama’t may ilang impormasyon na nagsasabing kinakailangan munang maipatupad ang tigil-putukan bago umusad ang negosasyon.
Sa gitna nito, inihayag ng Israel na tinamaan nito ang isang malaking petrochemical site sa Iran, na sinasabing responsable sa kalahati ng produksyon ng petrochemical ng bansa.













