-- ADVERTISEMENT --

SHARIFF AGUAK, MAGUINDANAO DEL SUR – Kinumpirma ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) na ang teroristang grupong Dawlah Islamiyah–Local Group ang nasa likod umano ng malagim na pananambang noong gabi ng Sabado, Marso 28, na ikinasawi ng limang pulis at ikinasugat ng tatlo pa.

Una rito sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay LTC. Roland Suscano, Spokesperson ng 6ID Philippine Army, inihayag nitong planado ang pag-atake sa mga miyembro ng 2nd PMFC habang pabalik na ang mga ito sa kanilang headquarters sa Camp Datu Akilan sa Barangay Mother Poblacion.

Pinaniniwalaang ginamit ng grupo ang madilim at masukal na bahagi ng kalsada para isagawa ang ambush, na ayon sa mga source ay posibleng “test mission” para sa kanilang mga bagong recruit na kabataan.

Kasabay ng mainit na tensyon, pormal nang umupo kahapon, Miyerkules, Abril 1, 2026, si Police Colonel Michael John Mangahis bilang bagong Provincial Director ng Maguindanao Del Sur Police Provincial Office. Papalitan niya si PCol. Sultan Salman Sapal.

Ang balasahan ay nagaganap habang isinasailalim sa imbestigasyon ng PNP Headquarters si Col. Sapal upang matukoy kung nagkaroon ng security lapses sa panig ng kapulisan, lalo’t nangyari ang pananambang ilang metro lang ang layo mula sa kanilang kampo.

Nag-alok naman ng P300,000 na pabuya ang Provincial Government ng Maguindanao del Sur sa pamamagitan ni Governor Kagui Ali Midtimbang para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na magtutuloy sa paghuli sa mga suspek. Sa ginanap na 1st Quarter Provincial Peace and Order Council Meeting, mariing kinondena ng gobernador ang karahasan at tiniyak ang tulong sa mga pamilya ng biktima.

Bumisita rin si Atty. Fahd A. Candao, Regional Director ng NAPOLCOM-BARMM, sa mga sugatang pulis upang masuri ang kanilang kalagayan at iparating ang suporta ng komisyon.

Nananatiling nasa “high alert” ang tropa ng pamahalaan sa lugar upang mabawi ang mga nawalang armas at mahuli ang mga salarin. Nilinaw naman ng PRO-BAR na walang kaugnayan ang nangyaring ambush sa hiwalay na insidente ng karahasan sa Lanao del Sur, na iniuugnay naman sa alitan ng mga pamilya o “rido.”