-- ADVERTISEMENT --

Itinuturing na isang mahalagang pagsubok sa kakayahan ng gobyerno na maghatid ng tunay na reporma laban sa katiwalian ang impeachment complaint laban sa dalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.

Ayon kay Sonny Africa ng IBON Foundation, hindi dapat ikahiya ang pagpapatuloy ng impeachment process dahil ipinapakita nito ang paggana ng justice system at ang aktibong pakikilahok ng mamamayan sa usaping pananagutan ng mga pinuno ng bansa.

Binibigyang-diin ni Africa na kritikal ang reklamong isinampa laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., lalo na kaugnay ng mga pambansang badyet mula 2023 hanggang 2025 na umabot sa trilyong piso, kung saan malaking bahagi ang inilaan sa imprastruktura at flood control projects.

Aniya, ang ganitong proseso ay mahalaga upang mapanatili ang balanse at kredibilidad ng lehislatura at ng buong sistemang pulitikal ng bansa.

Dagdag pa ni Africa, ang patuloy na presyur mula sa publiko para sa mas matibay na oversight, mas independiyenteng mga institusyon, at mas aktibong papel ng civil society ay mahalagang hakbang tungo sa mas malinaw at responsable na pamamahala, na dapat magsimula mismo sa pinakamataas na antas ng pamunuan.