Patuloy ang mahigpit na monitoring ng Department of Environment and Natural Resources (DENR Region 12) sa bayan ng Tampakan, South Cotabato, kaugnay ng mga aktibidad sa pagmimina.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, kinumpirma ni Atty. Felix S. Alicer, Executive Director ng DENR-12, na sa nakaraang operasyon ay may ilang nahuli at napatawan ng multa dahil sa paglabag sa mga regulasyon sa pagmimina.
Ayon kay Alicer, kapareho ito ng insidente sa Colombio, Sultan Kudarat, kung saan may mga dapat ding managot. Ipinunto niyang hindi lamang paninita ang layunin ng kanilang operasyon, kundi ang pagprotekta sa kalikasan at pagtulong sa mga komunidad upang maging legal at maayos ang kanilang mga aktibidad.
Dagdag pa ni Alicer, bukas ang DENR sa mga interesadong makipag-ugnayan sa mga LGU upang maisaayos ang mga aplikasyon para sa Minahang Bayan o small-scale mining, basta’t dumaan sa tamang proseso para maiwasan ang paglabag sa batas.
Nagpaabot din siya ng pasasalamat sa mga lokal na pamahalaan na patuloy na nakikipagtulungan sa DENR para sa ikabubuti ng mamamayan at ng kalikasan.