-- ADVERTISEMENT --

Kinumpirma ng pulisya na iisang suspek lamang ang nasa likod ng magkasunod na panghoholdap sa isang Small Town Lottery (STL) outlet at sa isang gasolinahan sa bayan ng Banga, South Cotabato.

Ayon kay PLtCol Robert Lagitao, hepe ng Banga Municipal Police Station, lumabas sa kanilang imbestigasyon na parehong lalaki ang tumangay ng pera sa STL outlet sa Barangay Punong Grande at sa South Oil Gasoline Station sa Purok Malipayon, Barangay Liwanay.

Upang makaiwas sa pagkakakilanlan, iba’t ibang motorsiklo umano ang ginagamit ng suspek sa bawat krimen. Tinatayang apat na uri ng motorsiklo ang palit-palit nitong ginagamit sa bawat pag-atake.

Nangyari ang unang insidente noong Nobyembre 5 kung saan tinangay ng suspek ang mahigit ₱7,000 mula sa STL outlet. Kinabukasan, muling umatake ang parehong suspek at kinuha ang ₱19,000 mula sa gasolinahan.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang pinaigting na manhunt operation ng mga awtoridad upang agad na mahuli ang naturang suspek.