Umabot na sa 7,137 indibidwal ang natulungan ng Philippine Red Cross (PRC) sa gitna ng pag-obserba ng Holy Week ngayong taon. Ayon sa pinakahuling ulat ng PRC kaninang alas-9:00 ng umaga nitong Sabado de Gloria, Abril 4, 6,514 indibidwal ang isinailalim sa pagsusuri ng kanilang vital signs, habang nirespondehan ang 583 minor cases at 26 major cases.
Mayroong 14 pasyente na dinala sa mga ospital, kabilang na ang mga kaso ng pagkahulog at pagkawalan ng malay. Sa mga major cases, iniulat ng PRC na may mga indibidwal na nagkaroon ng fractures at may mga nakagat din ng dikya.
Bilang bahagi ng kanilang serbisyo, naghatid din ang Welfare Desks ng PRC ng kritikal na suporta sa 105 indibidwal, kung saan 52 sa kanila ay nabigyan ng psychological support upang matulungan sa kanilang emosyonal na kalagayan.
Patuloy ang paghahatid ng tulong ng PRC sa mga nagdiriwang ng Semana Santa upang masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng mga mamamayan.













