Umabot sa ₱862,000 na halaga ng mga smuggled na sigarilyo ang nasabat sa isang anti-smuggling operation ng pulisya sa Brgy. Tinumigues, Lambayong, Sultan Kudarat, madaling araw ng Hulyo 13, 2025.
Sa ikinasang checkpoint operation ng pinagsanib na puwersa ng 1st Sultan Kudarat Provincial Mobile Force Company, 1202nd Maneuver Company ng RMFB 12, at Lambayong Municipal Police Station, dalawang indibidwal ang nahuli, kabilang ang isang aktibong miyembro ng Philippine National Police.
Bandang 1:45 AM, pinahinto ang isang puting Mitsubishi L300 utility vehicle na minamaneho ng isang alyas “Amir,” 45-anyos, may asawa, at residente ng Brgy. Libutan, Mamasapano, Maguindanao del Sur. Kasama nito si alyas “Letra,” 40-anyos, may asawa, at aktibong pulis na nakatalaga sa 1st PMFC, Buluan, Maguindanao del Sur.
Sa isinagawang inspeksyon, natuklasan ang 21 kahon ng Cannon brand cigarettes (katumbas ng 1,050 reams) at 48 reams ng Fort brand cigarettes na walang kaukulang dokumento, at may kabuuang halagang ₱862,808.40.
Narekober din mula sa suspek ang isang Glock 17 pistol na may serial number na PNP19488, kargado ng 12 buhay na bala.
Agad na ipinaalam sa mga suspek ang kanilang karapatan sa ilalim ng batas, kabilang na ang Anti-Torture Act, sa wikang naiintindihan nila. Ang imbentaryo at pagmamarka ng mga nasamsam ay isinagawa sa presensya ng mga suspek at Barangay Kagawad ng nasabing lugar.
Dinala na sa Lambayong MPS ang mga nakumpiskang items para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Pinuri ni PBGEN ARNOLD P. ARDIENTE, Regional Director ng PRO-12, ang mabilis at koordinadong aksyon ng mga operatiba. Aniya, “Patuloy ang ating kampanya laban sa smuggling. Hindi natin kukunsintihin ang sinumang personnel na masasangkot sa iligal na gawain. Sisiguraduhin natin ang pananagutan sa ilalim ng batas.”