Umabot sa labingwalo (18) na dating violent extremists ang boluntaryong nagbalik-loob sa pamahalaan at isinuko ang kanilang mga kagamitang pandigma sa himpilan ng Combined Arms Team 92 (CAT92) sa Barangay Salbu, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur, nitong Setyembre 23.
Ipinrisinta ni Lt. Col. Christian V. Cabading, Commanding Officer ng CAT92, ang mga nagbalik-loob kay Major General Ramon P. Zagala, Commander ng 2nd Infantry Division, katuwang si Col. Rommel S. Pagayon, Deputy Commander ng 1st Brigade Combat Team.
Umabot sa 43 high-powered firearms ang naisuko, kabilang na ang mga loose firearms mula sa pagpapaigting ng Small Arms and Light Weapons (SALW) Program. Kabilang sa mga armas ang M203 Grenade Launcher, Mauser Bolt Action Rifle, M14 Rifle, 7.62mm Sniper Rifle, Rocket-Propelled Grenade (RPG), M4 Rifle, .50 Caliber Rifle, Sig Sauer Rifle, Garand, at iba pang ammunition.
Lahat ng armas ay isasailalim sa pagsusuri ng SALW Program, kung saan may kasamang livelihood assistance ang mga nagbalik-loob bilang tulong sa kanilang pagbabagong-buhay.
Isa sa mga nagbalik-loob ang nagpahayag: “Matagal na kaming nabuhay sa takot at hirap. Naisip namin na wala namang magandang patutunguhan ang patuloy na pakikibaka. Kaya mas pinili naming sumuko at magbalik-loob sa pamahalaan. Ngayon, may pag-asa kaming makapagsimulang muli kasama ang aming pamilya at mabuhay nang payapa”.
Dumalo rin sa seremonya sina Hon. Bassir D. Utto, Municipal Mayor ng Datu Saudi Ampatuan; Mr. Roger D. Dionisio, kinatawan ng Tanggapan ng Gobernador ng Maguindanao del Sur; at iba pang lokal na opisyal na nagpaabot ng tulong at suporta sa mga nagbalik-loob.
Lubos namang ikinagalak ni Maj. Gen. Zagala ang pagbabalik-loob ng mga dating rebelde, na aniya’y simbolo ng tagumpay ng whole-of-nation approach kung saan katuwang ang lokal na pamahalaan, security sectors, at komunidad sa pagbibigay ng bagong pag-asa.
Patuloy naman ang panawagan ni Major General Donald M. Gumiran, Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, sa iba pang natitirang miyembro ng armadong grupo na sumunod sa halimbawa ng kanilang mga kasamahan.