
Nagpahayag ng pangamba si Edgar Erice, kinatawan ng Caloocan, hinggil sa paghina ng ekonomiya ng Pilipinas na aniya’y dulot ng matinding ingay sa pulitika at sunod-sunod na isyu ng korapsyon.
Ayon sa mambabatas, hindi naabot ng bansa ang target nitong gross domestic product (GDP) na 5.7% para sa 2025. Sa halip, 4.5% lamang ang naitala—mahigit isang porsyento ang ibinaba kumpara sa itinakdang layunin.
Babala pa ni Erice, posibleng mas mababa pa ang maging GDP growth sa unang quarter ng 2026 dahil hindi pa rin umano gumaganda ang kalagayan ng bansa.
Binigyang-diin din niya ang epekto ng umano’y flood control scandal sa sektor ng paggawa, konstruksyon, at iba pang kaugnay na industriya. Aniya, unti-unti nang nararamdaman ng mga ito ang direktang epekto ng korapsyon, lalo na’t may mga malalaking proyektong pang-imprastraktura ang pansamantalang itinigil habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Sa larangan naman ng pulitika, sinabi ni Erice na unti-unti nang nawawala ang tiwala ng mga mamumuhunan dahil sa patuloy na sigalot sa gobyerno, partikular sa pagitan ng administrasyon ni Bongbong Marcos at ng kampo ni Sara Duterte.












